The SONA 2013 full text or the complete transcipt will be available here once we get a copy from our reliable sources. President Aquino is currently delivering his State of the Nation Address before the opening of the 16th Congress.
The President’s fourth SONA is the opening salvo of the joint session at the opening of the regular session of the 16th Congress at the Batasang Pambansa Complex, in Quezon City.
President PNoy is expected to report the status of the Philippines, he will reveal the government’s agenda for 2014, and the propose legislative measures to the Senate and House of Representatives. The President delivers his SONA 2013 in the Philippines national language, Filipino.
Here’s the Full Transcript of the President’s Fourth SONA:
State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at th
e Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, on July 22, 2013]
Marami pong salamat. Maupo ho tayong lahat.
Bise Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan:
Isang , magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]
Ito po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa sa anim na taong termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.
Noon pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos nang makababa sa puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang hindi naman dapat dinaraanan ng Pilipino. [applause]
Tumugon nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, “Boss, tama ba ang direksyon natin?” Ang tugon ninyo: “Tama, at pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan.” Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa sampung pinakamataas na puwesto na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo. [applause] Sa aking pakiwari, malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati’y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon na o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 bilyong piso kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad. [applause] Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre. [applause]
Hindi nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive growth—itong malawakang kaunlaran—ang mismong prinsipyong bukal ng bawat inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.